DAGUPAN CITY— Iminungkahi ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) partylist na bukod sa pag-aasikaso sa mga kakailanganing kagamit para sa pagbabalik klase ngayong taon sa Oktubre 5 ay matutukan din ang kalagayang pangkalusugan ng mga guro ngayong panahon ng COVID-19.
Kaugnay ito sa anunsyo ng Department of Education (DepEd) na walang nakalaang pondo para sa mga guro na maaring makakuha ng naturang sakit sa kasasagan ng kasalukuyang sitwasyon.
Sa naging pahayag ni Rep. France Castro, sinabi nito na dapat noong simula pa laamng ng paghahanda sa COVID-19 ay nabigyang pondo rin ang hanay ng mga guro na siyang nagsisilbing frontliners ngayong sila ang sumasabak sa labas at namimigay ng modules sa mga mag-aaral para sa pagsisimula ng klase sa Oktobre.
Aniya, kung pagbabasehan umano ang nasa RA 4670 o Magna Carta for Teachers, nakasaad umano na dapat makapaglaan ang DepEd kada taon ng pondo para sa pagpapagamot ng mga teachers na makakaranas ng anumang sakit sa buong bansa.
Ngunit saad ni Castro na bagaman may mga ganitong umiiral na batas ay hindi umano ito nagagawa ng naturang kagawaran.