DAGUPAN, CITY— Makakauwi na sa Pilipinas sa tulong ng Bombo Radyo ang isang Pinay domestic helper mula sa Taif, Jeddah, Saudi Arabia matapos ang sinapit nitong pang-aabuso mula sa kaniyang amo.
Ang sitwasyon ng OFW ay matatandaang inilapit sa ating himpilan dahil sa nararanasang pangmamaltrato at pagtratrabaho ng humigit-kumulang 17 oras araw-araw.
Naging posible ang panawagan nito matapos maidulog ni Bombo International Correspondent Lawrence Valmonte, mula sa Riyadh, Saudi Arabia, sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) – Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang sinapit ni Edna Bolo Baquiran, 47 anyos, tubong siyudad ng Ilagan, sa Isabela mula sa kamay ng mga employer nito sa loob ng walong buwan.
Ayon pa kay Valmonte, bukas , Agosto 16 ay makakauwi na rin si Baquiran sa bansa.
Matatandaang sa ikalawang linggo pa lamang ng naturang OFW sa trabaho ay sinasampal, sinusuntok, dinudurahan, sinasabunutan, tinatadyakan, kinukulong, at hindi pinapakain ng kanyang amo.