DAGUPAN, CITY— Nananawagan ng tulong sa pamamagitan ng Bombo Radyo ang 10 Overseas Filipino Workers (OFW) sa pamahalaan ng Pilipinas upang sila ay matulungang makauwi na sa bansa mula sa Saudi Arabia.
Ito ay dahil sa hirap na kanilang nararanasan makaraang mawalan ng trabaho dahil sa malaking epekto ng COVID-19 sa naturang bansa.
Sa bahagi ng naging pahayag ni Cherelle Ortege Didal, tubong Antipolo City at OFW sa naturang bansa, nais nilang idinulog ang kanilang hinaing hingil sa kanilang mga amo kung saan ayaw umanong irelease sila ng kumpanya at bigyan ng exit visa upang makauwi sila sa bansa.
Paglalahad pa nito na pinagbabayad din sila ng karampatang halaga dahil sa pag-alis nila sa trabaho.
Isinalaysay din nito na karamihan sa mga kasamahan niyang mga pinoy roon ay nawalan ng trabaho kaya naman wala na silang mapagkukunan ng makakain nila sa araw-araw.
Bukod pa rito, noong mga panahong nagtratrabaho pa sila sa kanilang pinapasukang kompanya ay kulang ang natatanggap nilang sahod.
Aniya, kung matetengga lamang umano sila sa naturang bansa ng walang trabaho ay tiyak na mas mahihirapan lamang umano sila roon.
Kaya naman ang hiling ni Didal at iba pang mga OFW doon na matulungan silang makauwi sa Pilipinas upang makapiling na ang kanilang pamilya dito sa ating bansa.