DAGUPAN CITY–Umabot na sa 289 ang kumpirmadong kaso ng Covid 19 sa lalawigan ng Pangasinan.

Naidagdag sa datos ang isang frontliner mula sa lungsod ng Dagupan.

Makalipas ang halos tatlong linggong walang bagong Covid-19 case sa lungsod, isang frontliner ang inadmit sa Region 1 Medical Center matapos niyang mag-positibo sa Covid-19.

--Ads--

Ayon kay Dr. Ophelia Rivera, ang Covid-19 focal person ng lungsod, ang frontliner ay isang 32-taong gulang na lalaking taga-Barangay Mayombo.

Siya ang kaisa-isang active Covid-19 case sa lungsod sa kasalukuyan.

Siya ay sumailalim sa reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) test dahil sa exposure niya sa isang Covid-19 patient.

Kahapon ng umaga (August 13), lumabas ang resulta ng kanyang test at nakitang positibo siya sa SARS-CoV-2, ang bagong strain ng coronavirus na nagdudulot ng Covid-19.

Ang frontliner ay ang pang-41 confirmed Covid-19 case na naitala sa lungsod simula noong Marso.

Tatlumpu’t walo sa mga ito ang nakauwi na sa kanilang mga tahanan at dalawa naman ang nasawi.

Sa kabila nito, ipinag-utos ni Mayor Brian Lim ang mas maigting pang pagsasagawa ng testing sa lungsod, lalo na sa mga high-risk individuals upang mahanap ang mga positibo at nang agad ma-isolate at magamot.

Inanunsyo rin ni mayor Lim na pinaghahandaan na ng lokal na pamahalaan ng Dagupan ang paglalaan ng pondo para sa bakuna laban sa Covid 19 bagamat wala pang tiyak na bakuna kontra covid 19 sa bansa.

Ayon pa sa alkalde dapat ngayon pa lamamg ay maghanda na ang LGU ng pondo para sa pambili ng bakuna kung magkaroon man at kailangang matukoy kung sino ang uunahin na bibigyan nito.