DAGUPAN, CITY— Tahasang inihayag ng legal counsel ni Anakpawis chairman at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) consultant Randall “ka-Randy” Echanis na posibleng may kinalaman ang mga nasa sangay ng gobyerno sa pagkamatay nito sa kanyang apartment sa Quezon City.
Ayon kay Atty. Jobert Pahilga, nais lamang icover-up ng kapulisan ang pagkamatay nito at naniniwalang may kinalaman umano ang mga militar at iba pang mga galamay ng gobyerno na siya ring pumatay sa iba pang peace consultant.
Pinabulaanan din nito ang unang pahayag ng tanggapan ng QCPD na simpleng krimen ng akyat bahay ang ugat sa pagkamatay nito sa kanyang apartment.
Kung ito aniya ay iuugnay sa isang pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang talumpati kung saan sinabi nito na maaring huliin at patayin ang mga grupo ng terorista at mga kaalyadong organisasyon nito, ay natitiyak nila na maaring isang uri ng extrajudicial killing ang pagkasawi ni ka-Randy.
Saad pa niya, gusto lang umano ng pamahalaan na mapatahimik ang mga katulad ni Echanis na ipinaglalaban ang karapatan ng mga karaniwang mamamayan ng bansa.
Apela naman ni Pahilga na masusing maimbestigahan ang naturang kaso upang mabigyang hustisya ang pagkamatay ng biktima.