Ipinapa-accredit na ng Lokal na Pamahalaan ng lungsod ng Dagupan sa Department of Health (DOH) ang isa sa mga quarantine facilities na maaaring gawing isolation facility para sa maitatalang asymptomatic Covid-19 cases, bilang paghahanda sa posibleng pagdami ng mga kaso nito.

        Ayon kay Mayor Brian Lim, ito ay bilang tugon ng city government sa panawagan ni Region I Medical Center (R1MC) director, Dr. Joseph Roland Mejia, na tulungan ang kanilang institusyon kung sakaling dumagsa ang mga Covid-19 positive sa kanilang ospital.

        Ang asymptomatic cases ay ang mga kasong hindi nagpapakita ng anumang sintomas na dulot ng Covid-19 tulad ng lagnat, dry cough, hirap sa paghinga o di kaya’y pagkahapo.

--Ads--

        Sa kasalukuyan, ang apat na quarantine facilities ng ciudad ay pinagagamit sa mga nagbabalik na locally stranded individuals (LSIs) at Overseas Filipino workers (OFWs) habang hinihintay ang resulta ng kanilang reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) test.

        Nasa 292 katao na ang tumuloy sa quarantine facilities, kung saan 272 rito ay nakauwi na matapos mag-negative sa kanilang RT-PCR test.

        Ayon naman kay Dr. Ophelia Rivera, Covid-19 focal person ng lungsod, ang city astrodome na inihanda bilang halfway house, ay planong gawing ‘step down’ facility, kung saan mananatili sa loob ng dalawang linggo ang mga dating COVID-19 positive patients na nag-negative na sa pangalawang test.

        Ayon pa kay Dr. Rivera, hinihintay na lamang ng siyudad na ma-accredit ng DOH ang isolation facility.