Nakaranas ng magdamag na buhos ng ulan ang lalawigan ng Pangasinan bunsod ng bagyong Ferdie.

Dahil dito pinayuhan ng Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office o PDRRMO Pangasinan ang mga residente nito sa posibilidad ng pagbaha lalo’t nakakaranas rin ng hightide ang ilang bahagi ng probinsiya kabilang na ang Dagupan City.

Inabisuhan din ang mga nakatira sa mga mabababang lugar ng ibayong pag-iingat.

--Ads--

Nabatid na pinalakas ng Tropical Depression Ferdie ang Habagat na siyang nagdudulot ng mga pag-ulan sa iba’t-ibang bahagi ng Pangasinan.

Mahina hanggang paminsan-minsang malakas na pag-ulan ang mararanasan hanggang sa susunod na mga araw.

Nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal number 1 sa ilang bayan sa Pangasinan na kinabibilangan ng San Fabian, Dagupan City, Mangaldan, Calasiao, San Carlos City, Mangatarem, Aguilar, Lingayen, Binmaley, Infanta, Labrador, Sual, Bugallon, Dasol, Agno, Burgos, Mabini, Bani, Bolinao, Anda, at Alaminos City.