DAGUPAN, CITY– Iniimbestigahan ng Villasis PNP ang panawagan ang isang OFW na tubong Villasis, Pangasinan na makauwi sa bansa matapos makaranas ng sexual harassment mula sa pamangkin ng kaniyang dating employer sa Kingdom of Saudi Arabia.

Ayon kay PMaj. Fernando Fernandez, hepe ng naturang himpilan, kanila ding tinitignan ang anggulo na posibleng nabiktima din ng human trafficking ang naturang dalaga.

Batay sa kahilingan ng biktimang itinago sa pangalang Jairalyn, na huwag na umano siyang ihahatid at ipagkakatiwala sa accommodation sa kanyang foreign recruitment agency na Home Comfort Recruitment Agency, dahil lubha umano itong natatakot na mangyari din sa kaniya ang iniulat na pananamantala o panghahalay ng mismong may-ari ng naturang foreign recruitment agency sa isang kasamahan niyang OFW na si alyas ‘Marina’, isang araw bago ang kanyang flight pauwi sa Pilipinas.

--Ads--

Ayon din sa biktima na bagama’t isinumbong umano ni ‘Marina’ sa Public Attorney’s Office (PAO) at napatunayan na napagsamantalahan na siya nang maraming beses, ay wala umanong naging mabilisang aksyon ang PAO at hindi inirekomenda sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagsasampa ng mga kaso ng panghahalay at paglabag sa batas sa human trafficking laban sa kanilang local at foreign recruitment agency owner kung kaya walang resulta o hindi pa nakakamit ni ‘Marina’ magpahanggang sa ngayon ang hustisya.

Nakasaad din sa kanyang petisyong na kung sakaling siya ay masaklolohan nina Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) commissioner Greco Belgica at Villasis Mayor Nonato Abrenica, ay pinakiusap ng biktima na dalhin siya sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) o sa Philippine embassy habang hinihintay ang kaniyang flight pauwi ng Pilipinas.

Dagdag pa ni Fernandez, dumaan naman sa proseso ang biktima at legitimate umano ang recruitment agency na nagrecruit kay Jairalyn ngunit kanila pa ring iimbestigahan ang nasabing insidente.