Nais nang umuwi sa Pilipinas ang ilang mga Overseas Filipino Workers o OFWs kasunod ng pagsabog sa Beirut, Lebanon.

Ayon kay Fairuz El Sayed, OFW sa Lebanon, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, hinihingi ngayon ng ilang OFW na makauwi na sana sa bansa dahil sa takot.

Halos hindi na umano sila makatulog at makakain dahil hindi nila alam ang susunod na posibleng mangyari.

--Ads--

Nangangamba ang mga ito na maulit ang nasabing insidente.

Sa kasalukuyan ay hindi umano sila pinalalabas ng kanilang mga amo dahil sa pangambang pagkalat umano ng chemical poison na nakamamatay.

Fairuz El Sayed, OFW sa Lebanon

Inilarawan pa ni El Sayed na hirap makabangon ang Lebanon.

Mas sobrang kawawa aniya ngayon ang mga OFW lalong lalo na ang mga walang papel o kontrata.

Sa kabilang dako, hind naman nagpapabaya ang ibang employer at tinitiyak ang kanilang kaligtasan.

Kuwento pa ni Fairuz, mas hirap ngayon ang mga tao na nasa lungsod.

Kaya ang iba ay nais nang lumisan sa ciudad at magtungo na ng bundok dahil mas ligtas doon at may mga bukas na tindahan na puwedeng pagbilhan ng pagkain.

Nabatid na pitung taon na sa Lebanon ang nasabing OFW at ngayon lang nangyari ang nasabing pagsabog.