Tutol ang grupong Kilusan ng Pambansang Demokrasya sa pagbuhay sa death penalty na may kinalaman sa droga.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Virginia Lacsa Suarez ng grupong Kilusan ng Pambansang Demokrasya, sinabi nito na nakakalungkot na sa gitna ng pandemya ay pinaprioridad ng pamahalaan ang pagbuhay sa death penalty.
Aniya ang higit na tatamaan lamang nito ay mga mahihirap na naman.
Inihalimbawa nito ang maraming mahihirap na sangkot a droga ang nasawi sa giyera laban sa droga.
Dagdag pa niya na ang death penalty ay hindi nakakatulong dahil hindi ito nakakapagpabago sa isang tao.
Ang mahabang pagkakakulong ay mas magbibigay umano ng pagkakataon sa isang violator na mag isip at may pagkakataon pang magbago.
Samantala, ikinalungkot din ni Lacsa Suarez ang naging pahayag ng pangulo na tila isinuko na ang karapatan sa west Philippine Sea.
Aniya, hindi dapat maging sukatan ang dami ng armas para sumuko dahil marami pa umanong paraan.
Giit niya na hindi giyera ang solusyon para bawiin ang isang teritoryo.




