DAGUPAN, CITY— Tanging sa piling mga krimen lamang dapat i-implemplementa ang parusang kamatayan kung sakaling muling maisabatas ang death penalty sa bansa.

Ito ang naging personal na opinyon ni 2nd District Congressman Jumel Espino kaugnay sa usapin ng pagbuhay ng death penalty sa bansa sa pamamagitan ng lethal injection kasabay ng ikalimang State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Congressman Jumel Espino, nabatid niya na tanging ang mga krimen lamang na deserve ng ganoong parusa ang dapat patawan nito lalo na umano sa mga indibidwal na nasangkot sa kasong panggagahasa sa mga bata at minor de edad at higit pa rito ang mga may kaugnayan sa transakasyon ng iligal na droga.

--Ads--

Ngunit sa kabilang banda, inamin naman ni Espino na kung hindi mahahawakan ng maayos ang pag-iimbestiga sa mga kaso, ay nangangamba ito na marami ring mga inosenteng tao at walang laban kung ito ay magagamit sa personal at pampulitikang interes ng ilan.

Aniya, kung ganoon ang mangyayari ay maraming buhay ang madadamay dito.
Inihalintulad din ng kongresista ang nangyari sa kanyang ama na si dating Gobernor Amado T Espino Jr na naunang nasama sa narcopolitics na inanunsyo noong ng pangulo ngunit nang kalaunan ay humingi ito ng paumanhin.

Matatandaang nabanggit ng Pangulong Duterte ang pagnanais niyang ibalik ang naturang parusa sa pamamagitan ng lethal injection na siya namang ipapataw umano sa mga krimen na may kinalaman sa ilegal na droga.

Kung saan nagbanta rin si Duerte na papatayin niya ang nasa illegal drug trade sa bansa.