DAGUPAN, CITY— May posibilidad na maaring magkulang sa mga medical personnel at hindi na ma-accommodate ang mga pasyenteng magpositibo sa coronavirus disease kung magpapatuloy pa rin ang pagdami ng bilang ng kaso sa naturang sakit dito sa lalawigan ng Pangasinan at lungsod ng Dagupan.

Ito ang dahilan kung bakit inerekomenda ng Region 1 Medical Center kay Gov. Amado Espino III at Dagupan City Mayor Marc Brian Lim na i-reclasify ang probinsiya at chartered city ng Dagupan para makontrol ang pagdami ng kaso ng COVID-19.

Kasunod ng dumadaming bilang ng nagpositibo sa naturang sakit sa lalawigan sa mga nakalipas na araw kung saan sa ngayon ay nasa 171 ang kabuuang bilang nito.

--Ads--

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dr. Joseph Mejia, director ng Region 1 Medical Center (R1MC), lubhang nakakabahala ang pagkakatala ng 13 kaso ng COVID-19 sa loob lamang ng tatlong araw kaya agad umano siyang gumawa ng rekomendasyon kung maaring makunsidera ng Probinsiya ng Pangasinan at siyudad ng Dagupan na isailalim muli ito sa Enhance Community Quarantine (ECQ) o kahit General Community Quarantine (GCQ) dahil kung hindi umano makontrol ang pagdami ng bilang ng nagpopositibo sa virus ay maaaring magkulang ang mga available na mga pasilidad sa lalawigan lalo na kung madaming bilang na ng pasyente ang kailangang gamutin.

Kanya pang inihayag na kailangang maaksiyonan agad habang maaga pa ang nasabing ulat upang matugunan umano ang tinatawag na 2nd o 3rd wave ng pandemic. Giit pa ni Dr. Mejia na ang R1MC ay kaisa-isang tertiary government hospital sa Pangasinan kung kaya’t naalarma, natatakot at nababahala aniya ang kanilang tanggapan dahil kapag na-expose ang nabanggit na pasilidad lalo na kapag hindi makontrol ang bilang ng mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19 ay maaaring hindi na kayang iadmit lahat ng mga covid positive.

Aniya, wala umano silang pupuntahan kung mangyari ito, maski rin umano ang government hospital ay mawawalan ng paglalagyan ng mga pasyenteng positibo sa naturang sakit kung na-expose na rin sila mula roon at maaring magagaya sa sitwasyon ngayon sa Cebu City.

Dagdag pa niya, bukod pa rito ay damay din umano maging ang mga human resource gaya na lamang ng mga doctors at nurses kung sila’y naexpose at sabay sabay na makaquarantine.

Wala na umanong titingin sa mga darating na pasyente kaya naman gayun na lamang ang kanyang panawagan upang hindi ito mangyari.