Hindi na umaasa ang ilang grupo ng kababaihan at manggagawa sa ngayon na magkakaroon ng magandang balita ang Pangulong Rodrigo Duterte sa nalalapit nitong State of the Nation Address o SONA.
Nabatid mula kay Atty. Virginia Lacsa-Suarez, Sec. General ng grupong Kilusan Para sa Pambansang Demokrasya, wala na sa kanilang bokabularyo na mayroon pang mapapala ang taombayan kahit pa ilahad ng Pangulo ang kaniyang mga naging tagumpay.
Kung ibabase aniya sa mga nakalipas na SONA ni Pangulong Duterte, wala din talagang naasahan ang mamamayan.
Sa kasalukuyang sitwasyon ng ating bansa, inaasahan na nila na hindi ipapakita ng administrasyon ang tunay na mukha ng kaniyang nasasakupan.
Sa kanilang pagtaya, tanging masasagap lang nanaman ng taombayan ay puro ‘safe news’, pambabastos, panlalait, pananakot at pagmamalaki na di umano’y natanggal na niya ang tinatawag na ‘oligarchs’.
Giit ni Suarez, hindi na sila umaasa na magkakaroon ng progreso at pagbabago ang ating bansa maliban na lamang kung iba na ang nakaupo sa pwesto.
Nakakalungkot at nakakagalit ayon sa opisyal dahil sa kabila ng pandemya na siyang nararanasan natin sa ngayon, nagawa pang pagtuunan ng pansin at bigyan ng mas malaking pondo para sa militar kumpara sa pondo sa pagsugpo ng Covid-19.
Nangangahulugan lamang ito na hindi ang kalusugan at seguridad ng taombayan ang focus ng administrasyon kundi proteksyonan lamang ang kaniyang sarili.
Lalo pang nakakalungkot dahil bago pa man dumating ang pandemya, sadsad na sa gutom ang mga tao at lalo pa itong tumindi dahil hindi nareresolba ng tama ang kinakaharap na problema ng bansa.