DAGUPAN, CITY— Pinaalalahanan ng tanggapan ng National Nutrition Council Region 1 ang mga magulang na kailangan na mabantayang mabuti ang aspetong nutrisyon ng kanilang mga anak upang makaiwas sa stunting o pagkabansot.
Kung saan ang mga batang nakakaranas ng ganitong sitwasyon ay hindi akma ang kanilang height para sa kanilang edad.
Kaya naman kaugnay sa selebrasyon ng Nutrition Month ngayong taon, ay kanilang maigting na ikinakampanya ang pag-imporma sa hindi magandang epekto ng naturang sakit lalo na para sa mga bata.
Sa esklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Kendall Gatan, OIC Nutrition Program Coordinator ng National Nutrition Council Region 1 kasabay ng pagdiriwang ng nasabing kaganapan na may temang “Batang Pinoy, sana tall..Iwas Stunting, sana ALL”, ay kasabay nito ang kanilang panawagan na mas maiging maagapan ang naturang kondisyon dahil ang wala na itong karampatang lunas kung ito ay maranasan ng isang indibidwal.
Ayon pa kay Gatan, ang stunting o pagkabansot ay ang pinakamalaking problema ngayon ng ating bansa pagdating sa nutrisyon kung saan ang Pilipinas ay nasa top 10 na may pinakamaraming batang bansot.
Kaugnay nito, kanilang iminumungkahi na dapat regular na dalhin ang kanilang mga anak sa malapit na health center.