Patay ang isang 22 anyos na lalaki matapos barilin sa ulo ng hindi pa natutukoy na suspek sa bayan ng Asingan dito sa lalawigan ng Pangasinan.
Ayon kay PMajor. Leonard Zacarias, hepe ng Asingan PNP, inisyal umano silang nakatanggap ng report na may nangyaring self vehicular accident sa sitio aragaag, barangay Bntog sa naturang bayan.
Agad namang itinakbo ng ambulansiya ng RHU ng Asingan ang biktima na kinilalang si Patrick Abella, 22 anyos na residente ng barangay Carosucan Norte sa kaparehong bayan sa isang pagamutan na kalaunan ay nadiskubre ng attending physician na mayroong tama na baril sa ulo ang biktima.
Sa pagtatanong ng awtoridad sa isang carwash na malapit sa pinangyarihan ng krimen, may narinig umano ang mga carwash boy na tila putok ng baril at sa kanilang pag-iimbestiga mismong crime scene, narekober ang isang basyo ng bala mula sa caliber 45 na baril.
Wala din umanong nababanggit ang pamilya ng biktima na kaaway o nakabangga nito.
Lumalabas sa kanilang imbestigasyon na galing noon sa bahay ng kaniyang kasintahan ang biktima sa silangang bahagi ng barangay bantog.
Pinaniniwalaang sinundan o tinambangan ang biktima.
Nakikipag-ugnayan ang kapulisan sa mga kabahayan na mayroong CCTV footage na posibleng nakuhanan ang naturang krimen.
Ayon pa sa hepe, may CCTV pero malabo ang footage maging ang sasakyan na ginamit ng suspek kung kayat planong irequest ito for enhancement para sa possible identification ng sasakyan.
Sa ngayon patuloy pa rin ang ginagawang imbestigasyon upang matukoy ang motibo at pagkakakilalan ng mga suspek.




