DAGUPAN, CITY— Kaagad na isinagawa ng Local Contact Tracing Team ng bayan ng Natividad ang Contact Tracing sa mga nakasalamuha ng unang kaso ng coronavirus sa kanilang bayan upang matukoy ang mga nakasalamuha ng nasabing pasyente.
Ayon sa Lokal na Pamahalaan ng Natividad, ang unang kumpirmadong kaso ng COVID-19 ay dalawampu’t siyam (29) na taong gulang na babae, residente ng barangay Cacandungan ng nabanggit na bayan.
Batay sa impormasyong nakuha ng kanilang Rural Health Unit (RHU) sa pasyente, siya ay nanggaling sa bayan ng Sta. Rosa, Laguna.
Matatandaang noong hapon ng Hulyo 4, natanggap ang resulta ng kanyang test mula sa DOH COVID-19 accredited laboratory sa Baguio General Hospital and Medical Center kung saan napag-alamang ito ay positibo sa SARS-CoV- 2 Viral RNA.
Ang nasabing pasyente ay walang sintomas ng Covid 19 kaya siya ay asymptomatic.
Ginawa ang SWAB TEST sa kanya sa TPLEX Urdaneta drop off point bago tuluyang inihatid ng Provincial Bus sa naturang bayan noong Hulyo 2, 2020.
Kung saan isa ito sa mga indibidwal na nakasamang napauwi ng Hatid Tulong Initiative ng Presidential Management Staff (PMS) sa pamamagitan na rin ng Provincial government ng Pangasinan.
Sa kasalukuyan, siya ay nasa Natividad Isolation Facility kasama ng kanyang dalawang (2) anak na ino-obserbahan na rin habang hinihintay ang resulta ng kanilang Swab Test.
Dagdag pa ng naturang bayan sa mga nakasalamuha ng naturang pasyente, maaari umanong ipagbigay sa mga Barangay Health Emergency Response Team (BHERT) sa pangunguna ni PB Roger Estimada.
Kaugnay pa nito, pansamantalang isinailalim na sa lockdown ang barangay Cacandungan, kung saan nakatira ang naturang nagpositibo sa COVID-19 at tanging mga residente doon na bibili ng essential goods ang papayagang lumabas at papasukin sa naturang barangay.