DAGUPAN, CITY— Mariin pa ring tinututulan ng mga iba’t ibang grupo sa bansa ang pormal na pagsasabatas ng Anti Terror Bill kahapon.
Ito matapos na inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nasabing panukala.
Ang nasabing batas ay naglalayon umanong protektahan ang bansa mula sa anumang uri ng terorismo na isa sa mga nagiging problema hindi lamang sa bansa kundi sa buong mundo.
Ngunit sa kabila ng pagkakalagda sa naturang batas, ay may mga grupo pa ring tutol sa pagsasabatas nito.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Eco Dangla, tagapagsalita ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN)-Pangasinan, aniya, maraming grupo ang nagpahayag ng pagsuporta upang kontahin ang naturang batas at gustong sumama sa petisyon sa Korte Suprema upang hamunin ang kontrobersyal na Anti Terror Law.
Saad ni Dangla, matapos ang development ng nasabing batas ay hindi lamang ang mga aktibista ang kumukontra rito kundi maging ang mga grupong mula sa mga iba’t ibang akademya, simbahan, malalaking mga local at foreign business groups sa bansa, at maging ang ilang kasaping lider mula sa United Nations (UN).
Bukod pa rito, nabatid din niya na tuloy tuloy ang pagmumulat ng kanilang grupo sa mga mamamayan upang ipaliwanag kung bakit dapat tutulan ang nasabing batas.
Aniya, magsasagawa din ang kanilang grupo ng kanilang protesta dito sa Pangasinan at susunod naman umano sila sa umiiral health protocols kaugnay sa coronavirus disease.
Dagdag pa niya, inasahan na ng kanilang grupo na pipirmahan ni Pangulong Duterte ang Anti Terror Bill dahil isa umano ito sa sinertipikahan bilang isa mga urgent bills ng Palasyo.
Sa ngayon ay patuloy ang pagtutol at pagkalap nila ng supporta sa maraming mamamayan sa bansa upang ibasura ang naturang batas.