Kulungan ang bagsak ng isang pastor na tinaguriang number 3 sa drug watchlist ng mga drug personalities sa bayan ng Asingan matapos mahuli ng mga otoridad sa isinagawang buy bust operation.
Ayon kay P/Maj. Leonard Zacarias, Chief of Police ng Asingan PNP, kinilala ang suspek na si Emanuel Eligino alyas “Pastor”, 62 taong gulang na residente ng Brgy. Poblacion East at ito din aniya ay kasalukuyang alagad ng simbahan.
Giit ni Zacarias na matagal na nila itong minamanmanan at sa kabutihang palad, sa tulong na din ng ilang mga concerned citizen ay tuluyan na itong nadakip.
Sa isinagawang operasyon, nagpanggap bilang poseur buyer ang isa sa mga kasamahang pulis ng Asingan PNP kung saan nagkaroon ng palitan ng pera at nagkaabutan ng ilegal na droga.
Dito na nakuha ang ilang marked money at ng kapkapan ang naturang suspek, nakuhan siya ng karagdagang 1 sachet ng pinaghihinalaang ilegal na droga.
Dagdag pa ni Zacarias, ang suspek ay nasa kategorya bilang drug pusher at user.
Samantala, Kung pag uusapan naman aniya ang kanilang kampanya kontra iligal na droga, tuloy-tuloy pa din ito at sa katunayan madami pa ang binabantayan nila sa kanilang nasasakupan.




