DAGUPAN, CITY— Kailangang mapaghandaan ng Pilipinas ang posibleng banta ng bagong strain ng virus na kung tawagin ay G4, na isang strain ng H1N1 virus na nagdulot ng pandemya sa bansang China noong 2009.

Ayon sa mga siyentipiko mula China, ang nasabing virus ay nagmula sa mga alagang mga baboy, at kanila ngayong nadiskubre na ito ay maaaring makahawa na sa tao.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Engr. Rosendo So, presidente ng Samahang Industriya ng Agrikultura o SINAG sinabi nito na kailangan umano ng striktong pag-iimplementa ng quarantine upang hindi na makarating sa bansa ang naturang virus.

--Ads--

Nabatid din nito na mas maigi na maagapan umano ito dahil mapanganib ang naturang sakit kapag ito ay naipasa na sa tao.

Dagdag pa niya, lumabas nasabing balita tungkol sa naturang sakit noong 2016-2018, ngunit ngayon taon ay wala pang naitatalang kaso ng naturang sakit sa China.

Ngunit paalala ni So, kailangan pa ring mag-ingat ng publiko, lalo na ang mga hograisers na may direct contact sa mga alaga nilang mga baboy.

Ang naturang sakit ay naobserbahan na mataas ang posibilidad ng impeksyon sa tao kumpara sa ibang mga viruses.