Isa na namang balikbayang overseas Filipino worker (OFW) ang naitalang bagong kaso ng Covid-19 sa lungsod ng Dagupan.
Ayon kay Dr. Ophelia Rivera, ang Covid-19 focal person ng lungsod, ang OFW ay nag-positibo sa isinagawang reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) test sa Region 1 Medical Center (R1MC).
Ito ang pang-27 confirmed Covid-19 case na naitala sa lungsod mula noong Marso, kung saan 23 ang naka-recover at isa ang namatay.
Kasalukuyan nang naka-confine ang OFW sa R1MC at nananatili siyang asymptomatic.
Ang 47-taong-gulang na lalaking OFW na taga-Barangay Bonuan Boquig ay dumating sa Pilpinas mula sa United Kingdom noong Hunyo 22, 2020.
Sa airport pa lamang, kinunan na siya ng swab test alinsunod sa protocol na ipinapatupad ng national government sa mga bagong dating mula sa ibang bansa.
Para hintayin ang resulta ng kanyang test, siya ay tumuloy sa Crimson Hotel sa Alabang, Muntinlupa.
Noong Sabado, Hunyo 27, 2020, natanggap ng OFW ang negative na resulta ng kanyang swab test.
Ito ang dahilan kung bakit siya nakabiyahe noon ding araw na iyon papuntang Pangasinan sa pamamagitan ng bus na ipinagkaloob ng Overseas Workers Welfare Administration.
Mula sa drop off point sa Urdaneta City, ang OFW ay sinundo ng isang team mula sa lungsod.