DAGUPAN, CITY— Namahagi ang Department of Agriculture (DA) ng mga native na mga manok sa mga hog raisers na lubhang naapektuhan ng African swine fever (ASF) sa mga nakalipas na buwan dito sa lalawigan ng Pangasinan.

Ayon kay Dr. Allen Doctolero, DA Ilocos Region technical staff for ASF, ang nasabing programa ay parte ng recovery plan ng kanilang ahensiya bilang magbigyang alternatibong tulong ang mga nag-aalaga ng mga baboy dito sa lalawigan.

Ang nasabing distribusyon ay nagsimula noong Hunyo 22, at ang bawat hog raisers ay makakatanggap ng 20 inahin at dalawang tandang.

--Ads--

Aniya, 20 raisers na ang nabigyan ng mga manok ng naturang programa, kung saan pitong hog raisers na ang nabiyayaan sa Binmaley at dalawa naman mula sa Mapandan.

Nakatakdang 86 pang mga nag-aalaga ng baboy ang mabibigyan ng mga manok sa mga susunod na araw sa bayan ng Binmaley at 14 naman na mga raisers mula Lingayen, at karagdagan pang 15 para sa bayan ng Mapandan.

Nabatid pa ni Doctolero na magkakaroon din ng training or technical briefing ang mga benepisyaryo ng naturang programa tungkol sa pag-aalaga ng nasabing mga manok.

Ang mga ipinabigay na mga manok umano ng DA ay libre at walang collateral para sa mga makakatanggap nito. Dagdag pa niya, magkakaroon din ng indemnification fund na nagkakahalaga ng PHP5,000 ang kada ulo ng mga baboy na sumailalim sa isinagawang culling operation noong nakaraang mga buwan.

Maliban pa rito magbibigay pa umano ng dagdag na tulong mga local government units para sa mga apektadong magbababoy.