DAGUPAN, CITY— Ipinaupad na ng Tarlac PNP ang mahigpit na seguridad para sa nakatakdang public viewing ngayong araw ng na-cremate nang labi ng isa sa pinakakilalang negosyante sa bansa na si Eduardo “Danding” Cojuangco Jr. sa kanyang hometown sa Paniqui, Tarlac.
Ito ay bilang pagbibigay respeto na rin sa huling sandali ng isa sa mga nagsilbing lider ng kanilang lalawigan na namayapa noong nakaraang linggo.
Magsisimula ang naturang pagpapasilip ng kanyang urn sa publiko ngayong araw, June 22 hanggang June 24, sa isang private subdivision sa nasabing bayan habang sa June 25 naman ay illipat ito sa Bulwagang Kanlahi sa Brgy. San Vicente sa Tarlac City, malapit sa Provincial Capitol.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay P/Maj. Jim Tayag, tagapagsalita ng Tarlac PPO, sinabi nito na nailatag na ng kanilang hanay ang mga ipapatupad nilang plano hinggil sa pagpapanatili sa seguridad ng mga dadalo sa naturang public viewing at gayundin sa pagkontrol sa trapiko lalo na sa kasasagsagan ng nasabing kaganapan.
Dagdag pa nito, nakaantabay na rin ang binuo nilang Task Group Danding para sa pagbabantay sa mga magaganap na programa para sa yumaong dating gobernador.
Aniya, dumating ang labi ni Cojuangco na nakalagay sa isang urn ng bandang ala-una ng madaling araw sa Brgy. Abogado sa Paniqui Tarlac, sa isang pribadong musiliyo.
Pagkatapos umano ng public viewing ay ilalagak ang kanyang mga labi sa isang pribadong sementeryo sa nasabing probinsya.
Si Cojuangco ay dating naging gobernador ng Tarlac noong 1967 hanggang 1969.
Siya rin ay isang pulitiko, business tycoon, sports enthusiast, chairman and CEO ng San Miguel at Petron Corporation, at Chairman at tumakbong presidente noong 1992 sa ilalim ng National People’s Coalition. Matapos magretiro sa larangan ng pulitika, ay kinilala itong political hitmaker dahil sa pagkapanalo ng mga sinusuportahan nitong mga kandidato.
Matatandaang pumanaw si Cojuangco sa edad na 85 dahil sa lung cancer sa St. Luke’s Medical Center sa Global City, Taguig alas 10:40 ng gabi ng Martes (June 16).