DAGUPAN, CITY— Sumasailalim ngayon sa home quarantine ang 15 empleyado ng isang himpilan sa lalawigan ng Pangasinan matapos magpositibo ang dalawang kasamahan ng mga ito.

Ito ang kinumprima ni Dagupan City Mayor Marc Brian Lim sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan, kung saan sinabi niya na ang mga naturang empleyado ay sumailalim sa reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) test o swab test sa Coronavirus disease.

Nabatid ni Mayor Lim na dahil sa pagpositibo ang mga naturang empleyado ay iminungkahi ni Dra. Ophelia Rivera na siyang focal person ng siyudad sa COVID-19 na agad na isagawa ang pansamantalang pagpapasara sa naturang istasyon upang isagawa ang pagdidisinfect, lalo na sa pagtalima ng mga empleyado nito sa 14 na araw na home quarantine.

--Ads--

Ani Lim, pagkatapos nito ay sasailalim muli sa swab test ang mga empleyado sa naturang himpilan upang matiyak na hindi na kumalat pa ang naturang sakit. Dagdag pa niya, ang nasabing resulta ay mula sa isinagawang swab test ng Provincial Health Office noong ika-8 ng Hunyo alinsunod na rin sa kahilingan ng naturang stasyon. Ang dalawang COVID-19 positive ay isang 45-anyos na driver mula sa barangay Poblacion Oeste ng nabanggit na siyudad habang ang isa ay mula naman sa barangay Maningding sa bayan ng Sta. Barbara na pawang mga asymptomatic o yaong mga hindi nakakakitaan ng anumang sintomas.

Sa ngayon ay kasalukuyang nasa Region 1 Medical Center (R1MC) ang isang pasyenteng residente ng siyudad ng Dagupan habang isasailalim na rin ang pangunahing miyembro ng pamilya nito sa swab test. Habang ang kasama nitong nagpositibo na mula naman sa bayan ng Sta. Barbara ay nasa isang quarantine facility sa lungsod ng Dagupan habang ang pamilya nito ay naka-strict home quarantine.