Isinailalim sa lockdown ang tatlong barangay sa bayan ng Sual matapos nagpositibo sa coronavirus disease ang 4 sa mga bagong kompirmadong kaso ng naturang sakit na pawang mga frontliners.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Pcapt. Fredwin Sernio, OIC Chief of Police ng Sual PNP, dahil sa naturang kaganapan ay kahapon pa lamang umano ay nagkaroon ng pagpupulong ang kanilang hanay kasama narin ang Local Inter Agency Taskforce at alkalde ng naturang bayan upang mapag usapan ang mga ilalatag na karagdagang mga guidelines at protocols na ipatutupad upang makontrol ang pagkalat ng virus sa nasabing bayan.
Kabilang sa mga nabanggit na mga barangay ang barangay Poblacion, Paitan West at Siaosiw.

Agad na rin umano silang nakipag ugnayan sa mga barangay officials sa bawat barangay upang masimulan na ang contact tracing at malaman kung sino ang mga nakasalamuha ng mga pasyente bago pa man matukoy na positibo ang mga ito sa covid 19.
Aniya, nasabihan na rin nila ang mga residente sa bawat mga barangay roon na mapanatiling masunod ang pagpapatupad sa mga health protocols, at gayundin ang pagsasagawa ng checkpoints, at maging ng pagtatakda ng curfew hours.

--Ads--

Dagdag pa ng opisyal na natapos na ring isailalim sa swab testing ang lahat ng personnel ng kanilang himpilan at nag negatibo naman ang lahat dito.
Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na ang kanilang hanay sa tanggapan ng nabanggit na bayan upang maimplementa nang maigi ang mga umiiral na protocols doon upang maiwasan na ang pagkalat ng COVID-19 sa kanilang nasasakupan.