Nakahanda ang lalawigan ng Pangasinan na tanggapin ang mga umuuwing Overseas Filipino Workers o OFWs.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Provincial Health officer Dr. Ana Marie de Guzman, sinabi nitong handa nilang sunduin sa Maynila ang mga OFWs gamit ang mga shuttle bus.

Giit ni de Guzman na ang mga susunduing OFWs ay may medical certificate na patunay na sila ay sumailalim sa 14 days quarantine sa Manila at taglay ang negative PCR results ng swab test.

--Ads--

Ang drop point ay sa lungsod ng Urdaneta at doon na sila susunduin ng ibat ibang bayan na kanilang uuwian.

Samantala, pagdating ng mga OFW sa kanilang bayan ay muli silang i-assess ng kanilang municipal at city health officers para tignan ang kanilang mga medical certificate.

Isa pang problema o malaking hamon aniya ay ang mga OFWs na lalapag ng Manila pero hindi dadaaan sa procedure ng OWWA. Giit ni de Guzman na kailangan nilang dumaan sa kanilang municipal at city health Office dahil kailangan nilang masuri o sumailalim sa swab test at 14 days quarantine sa mga pasilidad ng kanilang munisipyo.

Matatandaan na iniutos ni pangulong Rodrigo Duterte na bilisan ang pagpapauwi sa mga Overseas Filipino Workers na nag-negatibo sa COVID-19.

Binigyan ng Pangulo ng isang linggo ang OWWA, DOLE at DOH para asikasuhin ang pagpapauwi sa mga OFWs sa kani-kanilang probinsya, kasama na ang mga naghihintay pa ng resulta ng kanilang test.