Nabahagian ng benepisyong Philhealth ang 378 covid-19 patient mula sa sampung ospital dito sa Region 1.

Ayon kay Philhealth Regional Office 1 Information Officer Joseph Manuel, hindi lamang ang mga nagpopositibo sa Covid-19 ang maaaring makakuha ng kanilang serbisyo ngunit dahil sa patuloy na pandemya na ating nararanasan, prayoridad din nila ang mga ito sa ngayon.

Maaaring makapag avail ang isang confined covid-19 patient ng kanilang case rate na naka depende sa kaso ng kanilang karamdaman.

--Ads--

Aniya, kapag ang isang pasyente ay may Mild Pneumonia para sa mga matatanda o may ibang kaakibat na sakit, ito’y maaaring makuha sa halagang 43, 997 pesos sa level 1 hanggang level 3 na private room.

Para naman sa kaso ng Moderate Pneumonia na nasa level 1-3 private room, maaari silang mag bayad ng 143, 267 pesos samantalang sa Severe Pneumonia, mayroong naka package na 333, 519 pesos para sa level 1-3 hospital private room at ICU.

Para naman sa Critical Pneumonia, mayroong package na 786, 384 pesos sa level 1-3 hospital private room, ICU, maging sa mga nagdadialysis.

Giit ni Manuel, hindi lamang ngayong buwan ng Abril at Mayo ang pagbibigay ng kanilang tanggapan ng benepisyo.

Sa katunayan, noon pa lamang buwan ng Pebrero hanggang April 14, sagot ng Philhealth ang buong gastusin, bago pa dumating ang mga nabanggit na bagong package.

Hindi na poproblemahin ayon sa opisyal ang mga requirements na dapat paghandaan ng mga benepisyaryo dahil ang mga accredited hospitals na ang mag aasikaso sa mga kakailanganing dokumento para ma avail ang benepisyong ito ng philhealth.