DAGUPAN CITY— Nilinaw ng siyudad ng Urdaneta ang kumakalat na balita na hindi umano pinapapasok ang mga nanggagaling ng bayan ng Asingan kung saan naroon ngayon ang dalawang active case ng coronavirus disease dito sa lalawigan ng Pangasinan.

Ito ay kaugnay ng pag-apela ni Asingan Mayor Carlos Lopez Jr. sa pamunuan ng naturang lungsod sa pamamagitan ng sulat matapos makatanggap ang lokal na pamahalaan ng Asingan ng hinaing mula sa kanilang kababayan na nakaranas umano ng diskriminasyon dahil hindi pinapahintulutang makapasok sa siyudad at sa ilang malalaking malls.

Ayon kay Urdaneta City Mayor Julio Parayno III sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan, pinabulaanan nito na walang diskriminasyon sa mga residente ng bayan ng Asingan na nagnanais makapasok sa kanilang siyudad upang mamili ng mga basic commodities at essential services.

--Ads--

Dagdag pa ng alkalde na maaring nagtungo ang mga residente ng Asingan noong Lunes, Martes hanggang Miyerkules kaya hindi pa sila pinayagang makapasok sa kadahilanang hindi pa nila ito araw ng skedule para pumasok sa Urdaneta City.

Ipinaliwanag din ni Parayno na lahat ng karatig-bayan ng Urdaneta ay binigyan ng mga araw kung kailan lamang maaring makapasok sa siyudad kung saan ang bayan ng Asingan kasabay ng bayan ng Binalonan at Sison ay pinapayagang makapasok sa Urdaneta City tuwing araw Huwebes at Biyernes.