DAGUPAN CITY— Sasampahan ng Calasiao PNP ng kaukulang kaso ang isang kapitan sa barangay Poblacion East sa bayan ng Calasiao at 15 pang mga katao matapos na matuklasang nakikipag-inuman ang mga ito sa isang birthday party malapit sa barangay hall ng nasabing lugar.

Lumabag ang mga naturang suspek sa mga protocols sa ilalim ng Enhanced Community quarantine sa probinsya partikular na ang liquor ban at hindi pag-obserba sa social distancing.

Nakilala naman ang naturang barangay captain na si Severino Tuazon.

--Ads--

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Plt.Col. Joseph Fajardo Jr., hepe ng Calasiao PNP, dahil umikot na online ang naturang picture noong Mayo 9 ay natukoy ng kanilang hanay ang mga suspek na umano’y nag-iinuman sa naturang barangay at kakasuhan ang kapitan at mga kasama nito ng violation against Republic Act No. 11469 o ang Bayanihan to Heal as One Act at ng Article 151 o Resistance and disobedience to a person in authority.

Aniya, magsasagawa ng priliminary investigation ang kanilang hanay at posibleng magsampa rin ng administrative case ang Department of Interior and Local Government (DILG) laban sa kapitan.

Dagdag pa ni Fajardo hindi lamang ito ang unang beses na may nahuling mga barangay officials sa kanilang bayan dahil kamakailan lang ay nahuli rin ng kanilang tanggapan ang isang kagawad at limang tanod na kasama sa 17 mga indibwal sa barangay Moyong malapit sa barangay hall sa naturang bayan.