DAGUPAN CITY–Dahil sa maayos na pamamalakad ng probinsya ng Pangasinan hinggil sa sistema ng pag-aksyon sa mga kaso ng COVID-19 sa kanilang nasasakupan kaya napabilang na ito sa mga lugar kung saan hindi na ito kasali sa community quarantine sa bansa.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Elvis Quitalig, EOC Manager ng Regional Task force on COVID-19, pinuri nito ang magandang pamamalakad ng lalawigan dahil sa ilang linggo na nitong walang naitatalang panibagong kaso ng naturang sakit.

Ngunit sa kabila umano ng pagtanggal ng Inter-Agency Task Force for the Management of the Emerging Infectious Diseases (IATF) sa naturang direktiba o kahit malilift na ang Extreme Enhance Community quarantine sa darating na Mayo 16 ay aniya nakasalalay pa rin sa mga Local Government Units ang pagpapatupad ng ibang mga guidelines na dapat iimplementa at maging ang mga precautionary measures upang maiwasan ang posibleng second wave ng sakit kung magpapabaya ang kinauukulan hinggil dito.

--Ads--

Dagdag pa nito na kahit na aalisin na umano ang community sa buong probinsya, pinaaalahanan naman ni Quitalig ang publiko na kailangan pa rin ng ibayong pag-iingat ang lahat dahil hindi pa rin garantisadong lumabas dahil sa malaking banta ng naturang sakit.

Sapagkat hindi pa rin umano magiging ganap na normal ang pamumuhay at galaw ng mga mamamayan dito sa rehiyon dahil kailangan pa ring ipatupad ang ilang protocols upang matiyak ang kaligtasan ng bawat mamamayan sa probinsya.