DAGUPAN CITY– Inirerekomenda ng hanay ng pulisiya ng Pangasinan sa Provincial Inter-Agency Task Force na ibaba na ang status sa General Community Quarantine (GCQ) sa darating na pagkapaso ng Extreme Enhanced Community Quarantine (EECQ) ng lalawigan sa Mayo 16.
Batay sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Col. Redrico Maranan, Provincial Director ng Pangasinan PNP, ito ay base sa datos ng naitatalang nahawa sa COVID-19, na sa 39 ay tatlo na lamang nasa pagamutan at maayos naman ang mga kalagayan.
Samantala inihayag naman ni Maranan na nanatiling Zero COVID-19 cases pa rin ang hanay ng kapulisan sa lalawigan ng Pangasinan.
Aniya nagnegatibo na ang apat na pulis na naunang napaulat na nagpositibo sa isinagawa nilang rapid antibody test sa kanilang mga kasamahan.
Pagsisiguro naman ni Maranan na 30% ng binibiling test kits at Personal Protective Equipments (PPEs) ng mga lokal na pamahalaan ay napupunta sa frontliners gaya ng mga medical staff at gaya nilang uniform personnels.