DAGUPAN CITY– Inihayag ni Pangasinan Liga ng mga Barangay President Board Member Jose Peralta Jr. na maaring maglimita ng populasyon sa Metro Manila gayundin sa lungsod ng Dagupan at Pangasinan dahil sa laki ng populasyon.
Marami aniyang nagpupunta sa siyudadkasama na rito ang maraming mag -aaral na galing sa ibang bayan.
Pero ang 15,000 na populasyon sa isang barangay ay medyo malaki na umano at parang isang bayan na ang sinasakupan nito. Inihalimbawa nito ang bayan ng Santo Tomas na mayroon lamang 15,000 na populasyon.
Reaksyon ito ni Peralta kaugnay sa panukalang batas ni Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers na maglilimita sa populasyon ng mga barangay sa urban areas sa 15,000 katao upang mas mapabilis ang pagpapadala ng tulong sa mga residente sa panahon ng sakuna.
Sa inihaing House Bill 6686, nilalayon nitong amyendahan ang Section 386 ng umiiral na Local Government Code na nagtatakdang maging barangay ang isang lugar kung may hindi bababa sa 2,000 ang residente at 5,000 naman sa Kamaynilaan at iba pang urbanized areas sa bansa.
Matatandaan na sinabi ni Barbers na kapag daw lumagpas na sa 15,000 ang populasyon ng isang barangay sa urban areas, dapat daw ay bumuo na ng iba pang barangay.
Kapag daw kasi kontrolado ang dami ng tao sa isang lugar, mas madali raw itong pamunuan at makapaghatid ng mga serbisyo.
Isa raw sa mga nag-udyok kay Barbers na gawin ang panukala ay ang mga kaguluhan at isyu na kinahaharap ng mismong barangay officials at mga mamamayan sa pagpapatupad ng mga panuntunan at pagdadala ng tulong sa panahon ng pandemic.