Ipinarating sa bombo radyo Dagupan ang hinaing ng mga OFW sa Muscat, Oman sa gitna ng covid 19 pandemic.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Norissa Paulino tubong Bonuan Gueset lungsod ng Dagupan at OFW sa Oman, kaawa awa ang situwasyon ng mga OFW na no work no pay.
Ang iba ay nakikitira at umaasa na lang sa relief na ibibigay sa kanila.
Ang masaklap ay hindi binibigay umano ng kanilang kompanya ang kanilang pangangailangan dahil nakapokus ang mga ito sa kanilang negosyo.
Ang natanggap lang nila ay 25 percent sa kanilang basic salary na kulang na pambili ng kanilang pagkain at bayad sa renta ng tinutuluyang bahay.
Dagdag pa niya na maraming OFW ang gusto ng umuwi sa kasalukuyan.
Marami sa mga establisyemento ang tuluyan nang nagsara at hindi na magbubukas dahil bagsak na umano ang ekonomiya at hirap silang makabangon.
Samantala, nakukulangan sa aksyon ang mga Filipino workers sa embahada ng Pilipinas sa Oman.
Ayon kay Paulino, kapag hindi kakilala ay hindi pinapansin sa embahada ng Pilipinas sa Oman.
Giit niya na may attitude problem at judgemental ang mga nagtratrabaho sa embahada lalo na kapag Pinay Domestic helper o DH ang kanilang kaharap.
Dahil dito, naglabas ito ng hinaing at pinaalala sa mga ito na pinapasahod sila dahil sa tax na binabayaran ng mga OFW.