Nakapagpiyansa na ang 3 mga indibdiwal mula sa Probinsya ng Bulacan na nasampahan nang kaukulang mga kaso dahil sa tangkang magpasok ng mga motorsiklo na isinakay sa isang ambulansiya ng punerarya.

Ang mga naturang motorsiklo ay nakatakda sanang dalhin dito sa Pangasinan matapos ibenta online ngunit naharang ito sa isang checkpoint sa may bahagi ng bayan ng Binalonan.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PMaj. Arvin Jacob, hepe ng Binalonan Police Station, base sa kanilang isinagawang imbistigasyon ay lumalabas na ang mga motorsiklong ito ay gagamitin sana para sa drag racing.

--Ads--

Sa ngayon kabilang banda naman ay inaalam ng tanggapan ng Binalonan PNP kung ang mga motorsiklo na ito ay galing sa carnap o kung ito ba ay may mga papeles.

Bagamat nakapagpiyansa na ang 3 empleyado ng punerarya ay mananatili naman sa kustodiya ng Binalonan Police Station ang mga nakumpiskang sasakyan.

Kung matatandaan, nang masita ang checkpoint ang naturang ambulansiya ng punerarya ay unang inihayag ng mga sakay nito na bangkay ang kanilang dala subalit tumambad sa mga pulis ang 3 motorsiklo na noon ay lulan din ng naturang sasakyan.