Madugo ang planong gawing maging Polymerase Chain Reaction (PCR) Testing Center ang Region 1 Medical Center (R1MC) sa lungsod ng Dagupan.
Ito ang pag-amin ni Dagupan City COVID-19 focal person, Dr. Ophelia Rivera sa ekslusibong panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan.
Aniya, maraming kaukulang dokumento o requirements ang kailangan pa nilang kumpletuhin.
Dagdag nito, sa ngayon ay ang Baguio General Hospital (BGH) ang pinaka malapit sa lungsod na mayroong accredited PCR Testing Center kung saan doon pa ipinapadala ang mga swab test upang malaman ang resulta.
Nagsasagawa din aniya ng disinfection ang Bureau of Fire Protection (BFP) at Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) sa mga lugar na may contact sa COVID-19 patients.
Inaayos na rin ang timeline ng mga natatalang kaso at kinukuha ang impormasyon upang malaman kung sinu-sino pa ang mga dapat suriin o kausapin patungkol sa posibleng exposure sa pasyente nang maipadala agad sa laboratory testing centers at maagapan ang tuluyang pagkalat ng nasabing sakit.