Patay ang isang walong buwang gulang na sanggol na hinihinalang patient under investigation (PUI) habang nagpositibo naman sa Coronavirus Infectious Disease ang isang medical frontliner dito sa lungsod ng Dagupan.
Napag-alaman ng Bombo Radyo Dagupan Newsteam, na ang walong buwang gulang na biktima na residente ng Rizal St., ang siyang pangwalo sa listahan ng lungsod at siyang pinakabatang PUI death dito sa lungsod.
Ang batang biktima ay inadmit sa isang pribadong pagamutan dahil sa pag-ubo, lagnat at seizures noong Abril 14. Subalit, bandang alas-7 ng umaga kahapon, Abril 15, ay tuluyan na itong nasawi.
Sa kasalukuyan ay hinihintay na ang resulta ng throat swab test na isinagawa sa biktima.
Samantala, nagpositibo naman sa COVID-19 ang isang 29 anyos na medical frontliner mula sa Barangay Mayombo, na tinawag na (DC7) dahil siya ang pang pitong kumpirmadong kaso ng naturang nakamamatay na sakit sa lungsod. Siya din ang ika-limang frontliner sa 7 kumpirmadong kaso sa Dagupan.
Sinasabing si DC7 ay na-expose sa isa ding COVID-19 patient sa Region 1 Medical Center (R1MC) kung saan siya nagtatrabaho.
Kinuhanan ito ng swab test noong Abril 12 subalit, kahapon lamang lumabas ang resulta ng pagsusuri mula sa Baguio General Hospital.
Nabatid na ang biktima ay sumailalim na sa self-quarantine noong Marso 28 subalit, naconfine sa R1MC dahil sa pagpapakita ng sintomas ng COV-19.
Sa ngayon ang mga kawani ng City Health Office at DOH ay puspusan sa ginagawang contact tracing.
Dahil dito, muling nagpaalala si Mayor Brian Lim sa mga Dagupeño na ang pinakamabisang panlaban sa Covid-19 virus infection ay ang pamamalagi sa tahanan at pagsusuot ng face mask.