Photo credits: Province of Pangasinan Official Page

Pamahalaang panlalawigan ng Pangasinan, sunod-sunod ang isinasagawang misting cannon operation upang i-disinfect ang mga lugar kung saan may naiulat ng mga kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Ito ay sa pangunguna ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) at Provincial Engineering Office (PEO).

Kamakailan, nagsagawa ng misting operation sa barangay Tebag sa bayan ng Sta. Barbara upang i-sanitize ang Farmers Pavillion na nakabase sa Provincial Agriculture Office na siya namang gagawing half-way house kung saan ililipat ang mga naka-recover na Patients Unders Investigation (PUI) na kailangan pa ring tapusin ang kanilang 14 days quarantine.

--Ads--

Samantala, nagsagawa rin ng misting cannon operation noong Sabado, Abril 4 sa bayan ng Infanta partikular sa likuran ng Municipal Hall at kalapit na lugar kabilang ang public market compound.

Kung matatandaan, nakapagtala ang naturang bayan ng isang kumpirmadong kaso ng COVID-19 na kasalukuyang nasa pagamutan pa rin.

Sa kaparehong araw, isinunod din ang siyudad ng Alaminos kung saan nagsagawa ng disinfection sa mismong lugar kung saan naitala ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa barangay Telbang.

Nagsagawa rin ng sanitation sa lahat ng daanan sa nabanggit na siyudad.

Samantala, nakipagtulungan din ang ilang kinatawan mula sa Local Government Units (LGU) at alinsunod sa safety protocol, nakasuot ng Personal Protective Equipment (PPE) ang lahat ng responders.