Wala pa umanong umiiral na lockdown sa Canada sa kabila ng lumalaking bilang ng mga nagpopositibo sa Coronavirus disease sa kanilang bansa.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Marjorie Rosales na isang health worker sa Alberta, Canada sinabi nito na sa ngayon ay wala pang lockdown na nagaganap ngayon dahil ang pinapairal muna sa ngayon ay ang pagpapanatili nila ng physical distancing.

Aniya, ay hindi rin umano mandatory ang pagsusuot ng facemasks ngunit sinisiguro naman ng kanilang gobyerno roon na kapag hindi naman importante ang pupuntahan at gagawin ng mga mamamayan sa labas ay manatili na lamang umano sila sa kani-kanilang mga tahanan.

--Ads--

Dagdag pa nito na mayroon pang mga pampublikong sasakyan na masasakyan ng mga tao, at gayundin ay bukas pa ang mga grocery stores ngunit nalimitahan na lamang ito mula alas 7 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi.

Ayon pa ka Rosales, ay wala namang pagkukulang sa suplay ng pagkain doon ngunit may nagaganap na umanong panic buying sa mga hot commodities doon gaya na lamang ng sanitizers, bleach, toilet papers, at face masks.

Sa kabila man umano ng sitwasyon na kanilang kinakaharap hingil sa COVID-19 ay disiplinado naman ang mga mamamayan roon dahil pinapanatili pa rin nila ang kanilang physical distancing sa lahat ng pampublikong lugar.