Hinikayat ni Archbishop Socrates B. Villegas ng Archdiocese ng Lingayen-Dagupan sa inilunsad na misa ngayong araw ng Linggo, Abril 5 ang mga katoliko na kung paano sila makibahagi sa loob ng simbahan ay sana umano’y ganoon din ang gawin nila sa loob ng kanilang mga tahanan habang naka-live streaming.
Mungkahi niya na manahimik at kumuha ng dalawang kandila, kasabay ng pag-aayos ng krus at humanap umano ng upuan at kapag panahon umano ng pagtayo, pag-upo at pagluhod ay sana isagawa rin ng mga nanood.
Dagdag pa nito na nakikita ng Diyos ang sakripisyong ginagawa ng lahat makapakinig lamang ng salita ng Diyos kahit pa ito ay sa pamamagitan lamang ng live streaming.
Pagkatapos ng misa ay ninais ng arsobispo na basbasan ang mga palaspas sa kani-kanilang tahanan kaya iminungkahi niyang lumabas sila ngunit pinaalalahanan silang huwag magkumpol-kumpol.
Idinaos ang naturang misa sa St. John Evangelist Cathedral sa lungsod ng Dagupan, lalawigan ng Pangasinan.
Si Archbishop Socrates B. Villegas ay dating Presidente ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).