Naiipit ngayon sa mahirap na sitwasyon ang mga Pinoy na nagtatrabaho at naninirahan sa Saudi Arabia dahil sa maigting na ipinapatupad na lockdown doon kaugnay ng pagsugpo ng nasabing bansa laban sa coronavirus disease.

Matatandaang umabot na sa 1,885 ang naitatalang kaso sa Saudi kung saan mayroon nang 21 namatay, 328 na na-recover, at 1,536 na active case.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Lawrence Valmonte na isang OFW sa Riyadh, Saudi Arabia mahigpit ang ipinapatupad na precautionary measures at curfew doon na unang naipatupad noong Marso 23 mula alas 7 ng hapon hanggang alas-6 ng gabi ngunit noong Marso 26 ay nabago ito ng mula alas-6 ng hapon hanggang alas-6 ng gabi.

--Ads--

Ipinagbabawal na rin ng pamahalaan doon na umalis mula sa 13 rehiyon na umalis o magtungo sa iba pang kalapit rehiyon doon at magmumulta ng hanggang 10,000 Saudi riyal o katumbas ng 130,000-140,000 pesos at makukulong din kung hindi susunod sa protocol ng nasabing bansa.

Dagdag pa nito, noong Marso 16 pa unang sinuspende ang klase at trabaho kung saan ay no work no pay ang mga mangagawa roon at noong Marso 29 ay pinahaba pa ng kaharian ng Saudi Arabia ang pagpapatigil ng trabaho sa pribado at publikong kompanya, at maging ang pampublikong sasakyan doon.

Ayon kay Valmonte, nakakalabas naman umano sa gitna ng alas-6 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon upang makabili ng pagkain ang mga residente doon.