Nagbigay ng tatlong buwan na moratorium sa mga miyembro nito ang PAG-IBIG Fund na naapektuhan ng krisis na dulot ng COVID-19 pandemic mula Marso 16 hanggang Hunyo 15, 2020.

Sakop nito ang mga may kasalukuyang housing loan, multi-purpose loan at calamity loan na nakatira sa National Capital Region (NCR) at Luzon.

Batay sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Supervising Loans and Credit Officer Corina Calaguin ng Pag-IBIG Fund Dagupan Branch, maaaring hindi muna magbayad ng monthly amortization sa loob ng tatlong buwan sa mga nabanggit na existing loans ang isang Pag-IBIG member ng walang ipinapataw na penalty o multa. At kapag bumalik na sa normal ang sitwasyon, maaari ng bumalik sa pagbabayad ng amortization.

--Ads--

Dagdag pa ni Calaguin, puwedeng mag-apply ng calamity loan kapag ang isang miyembro ay nasa lugar na under state of calamity na dapat ay aktibo na Pag-IBIG member, ibig sabihin updated ang kanilang contribution at mayroong 24 months contribution.

Maaari ring makahiram ng 80% ng kanilang total savings o kabuuang ipon ng kanilang personal share, counterpart ng kanilang employer kapag sila ay employed at naidagdag na dividend ng kanilang savings.

Payable naman umano ng hanggang 2 taon ang calamity loan at may 3 buwan ding grace period na ibibigay.

Ibig sabihin kapag naproseso na ang loan may palugit pa na 3 buwan, hindi agad magbabayad ng amortization.