Binawian na ng buhay ang isang pasyente na isinugod sa Region 1 Medical Center dito sa lungsod ng Dagupan na nasa kategoryang Patient Under Investigation o PUI.
Ayon kay Provincial Health Officer Dr. Anna Marie De Guzman, isang department head sa munisipyo ang naturang biktima at residente sa Brgy. Libsong West sa bayan ng Lingayen.
Kamakalawa ng gabi, siya ay isinugod sa R1MC at kahapon ng umaga lamang tuluyang binawian ng buhay.
PUI na nasawi sa Pangasinan, isang department head sa munisipyo
Napag alaman na ang biktima ay mayroong underlying illness na diabetes at hypertension. Nakapagsagawa na din ng ilang test ang mga doktor na sumuri sa kaniya at siya’y isinailalim na sa throat swab at inaantay pa sa ngayon ang resulta.
Ayon kay De Guzman, galing sa Manila ang biktima noong March 14 para sunduin ang kaniyang anak at pagsapit ng March 16, dumalo pa ito sa kanilang Department Heads Meeting pero hindi din lamang siya tumagal dahil masama ang kaniyang pakiramdam.
Mula naman March 17, hindi na ito nakapasok sa trabaho at pinili na lamang na siya’y madala sa Region 1 Medical Center dahil sa nararanasang hirap sa paghinga na kalaunan ay binawian din ng buhay.
Ang nasabing biktima ay isa sa mga pasyenteng mahigpit na binabantayan sa pagamutan matapos na magpakita ng sintomas ng coronavirus disease (COVID-19). Sa kasalukuyan, hinihintay pa kung kumpirmadong positibo sa naturang virus ang biktima.