Umaabot sa mahigit P200,000 na halaga ng petroleum products na sasailalim sana sa illegal trading ang nasabat ng mga otoridad sa bayan ng Lingayen.
Nabatid na nasa kabuoang 6,000 litro ng petroleum products na kinabibilangan ng 3,000 liters ng premium at 3,000 litro din ng diesel, ang nasabat sa isinagawang checkpoint sa bahagi ng Brgy. Balococ bilang parte ng ipinatutupad na ‘Enhanced Community Quarantine’ sa buong Luzon dahil sa pagkalat ng sakit na coronavirus disease-2019 (COVID-19).
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan, inihayag ni Police Senior Master Sergeant Pedro Vinluan, duty investigator ng Lingayen PNP, hinarang nila ang isang elf truck sa isang checkpoint sa bahagi ng boundary ng bayan ng Lingayen at Bugallon bilang protocol subalit tumambad sa kanila ang mga galong may lamang petroleum products.
Wala rin aniyang mga kaukulang permit na maipakita ang mga sakay ng truck ng sila ay hanapan dahilan upang ang mga ito ngayon ay arestuhin. (with reports from Bombo Everly Rico)