Buong pwersang naka alerto ang hanay kapulisan sa bayan ng Rosales, kasama ang Regional Mobile Force Company at ang Inter Agency Task Force (IATF) na binuo ng lokal na pamahalaan ng nasabing bayan para mag-monitor sa lahat ng entry points galing Maynila.
Partikular na tinututukan ngayon ang Carmen, Rosales na pinakabungad ng lalawigan ng Pangasinan gayundin sa barangay Salvacion, at boundary ng bayan ng Cuyapo, Nueva Ecija.
Ito ay bilang tugon sa isinagawang community quaratine sa buong Metro Manila kung saan naroon ang higit na bilang ng mga nag-positibo sa nakamamatay na 2019 Coronavirus Disease (COVID-19).
Layunin ng hakbang na mamonitor nang agaran ang mga posibleng carrier ng sakit.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay P/Maj. John Corpuz, bagaman nananatiling walang Person Under Investigation (PUI) sa kanilang bayan ay maigting ang kanilang monitoring sa mga kababayan na nanggaling sa Metro Manila at iba pang lugar nag may kumpirmadong kaso ng naturang virus.
Samantala, agad namang sumailalim sa 14-day quarantine ang 15 na balik-bayan sa nasabing bayan pagka baba pa lang ng airport.