Wala pang panibagong epekto sa bilihan sa merkado ang panibagong kaso ng African Swine fever (ASF) dito sa lalawigan ng Pangasinan.
Ito ang kinumpirma sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan ni Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) Chairman Engr. Rosendo So, matapos ang culling sa humigit kumulang 300 mga baboy mula sa Brgy. Apaya at Tulong sa bayan ng Malasiqui kasunod ng pagpositibo ng mga ito sa ASF.
Base sa kanilang monitoring, ibinahagi ni Engr. So, na wala pa silang nakikitang epekto nito sa bentahan ng baboy hindi lamang sa boung lalawigan kundi maging sa boung Norte lalo at alam naman na aniya ng publiko na hindi naka-aapekto sa tao ang ASF at nagagawang ma-isolate ang mga lugar kung saan nakapagtatala ng ASF sa probinsya.
Samantala, kinumpirma naman ni Engr. So, na patuloy paring inaalam kung saan talaga nagmula ang baboy na namatay sa bayan ng Malasiqui lalo at mayroong ilang impormasyong lumabas na galing ito sa labas ng lalawigan.
Kung matatandaan, sa nasabing bayan sinasabing nagmula ang mga baboy na una ng natuklasang namatay dahil sa ASF sa Brgy. Linoc, sa bayan ng Binmaley na nagresulta upang i-quarantine narin nila ang kalapit na Brgy. Carael dito naman sa lungsod ng Dagupan.
Kasunod nito ay hinikayat ni Engr. So ang mga municipal officials o mga residente mismo na agad na magreport kung may naitalang pagkamatay ng baboy sa kani-kanilang mga lugar upang hindi na kumalat pa ang problema sa sakit na ASF dito sa Pangasinan, na posibleng magdulot ng malaking pagkalugi sa industriya ng hog raising.