Hinikayat ngayon ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Batangas, ang pagkakaisa ng lahat sa kanilang nasasakupan kasunod ng naitalang phreatic eruption ng Taal volcano na nagbunsod upang itaas sa alert level 4 ang estado nito.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan, inihayag ni PDRRMO Batangas head Lito Castro, na sa nararanasan ngayon dulot ng aktibidad ng bulkan, dapat ay maging maingat ang lahat at sumunod sa mga panuntunan na ipatutupad ng mga otoridad dahil para din ito sa kanilang kapakanan.
Bukod dito, hinikayat din ni Castro ang ibang mga residente na kupkupin ang mga evacuees sa gitna ng kinakaharap ngayon na natural na kalamidad lalo na ang mga kinakailangang ilikas sa karatig bayan.
Samantala, tiniyak naman ni Castro na may sapat na evacuation center para sa lahat ng mga kinakailangang ilikas lalo at posibleng madagdagan pa ang 8,000 bilang ng mga una ng nailikas dahil sa pagbuga ng usok ng Taal volcano. Kabilang na aniya dito ang mga paaralan dahilan upang suspendihin na ang klase sa ilang lugar sa probinsya.