DAGUPAN CITY– Nahuli na ang suspek na nasa likod ng pagpatay sa 28 anyos na babae na natagpuan ang bangkay nitong palutang-lutang sa may ilog ng Barangy Nibaliw West sa bayan ng San Fabian noong linggo ng umaga, Disyembre 22, 2019 kung saan mismong pamangkin ng biktima ang nakadiskubre sa bangkay.

Nakilala ang suspek na pinsan mismo ng biktima na si Benigno Torres, 27 anyos na residente ng brngy. Inlambong sa nabanggit na bayan at biktima na si Dolores So, 28 anyos na isang tindera at residente ng Barangay Nibaliw West sa naturang bayan.

Huling namataang buhay ang biktima dakong alas nuwebe ng gabi noong Disyembre 21, 2019 kasama ang suspek.

--Ads--

Ayon kay Police Major Francisco Castillo, hepe ng San Fabian PNP, lumabas sa imbestigasyon na may mga nakakita na magkasamang umalis ang magpinsan matapos na magkainuman.

Inamin naman ng suspek na dahil sa sobrang kalasingan ay nagawa niyang lunurin ang kaniyang pinsan na nagresulta naman ng agarang pagkamatay ng biktima.

Police Major Francisco Castillo, Chief of Police San Fabian PNP

Matapos ang krimen ay nagtago ang suspek at nagpunta sa Bacolor, Pampanga.

Kasalukuyan nang nakakulong ang suspek sa San Fabian Police Station at naisampa na rin ang kasong murder laban dito.

Base naman sa post mortem examination na isinagawa sa bangkay wala naman itong galos sa katawan.

Nagpasalamat din ang pamilya ng biktima sa mga awtoridad sa mabilis na pagresolba sa kaso.