DAGUPAN CITY– Nanindigan ang Pangasinan PNP na wala pang mga “confirmed victim” ang umanoy puting van na nangunguha ng tao na sinasabing tatanggalan ng ilang internal organ para ibenta .

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Pol Col Redrico Maranan Provincial Director ng Pangasinan PNP bagamat may mga natatanggap silang report kaugnay sa umanoy puting van na nangunguha ng tao nilinaw naman ng opisyal na wala naman sa mga ito ang beripikado.

Puro tawag at mga post sa social media aniya ang namomonitor nilang report na kanila namang inaksyunan ngunit negatibo ang resulta.

--Ads--

Kung tutuusin aniya ay matagal na itong naging trending sa social media sa ibat ibang panig ng bansa ngunit wala namang kongkretong ebedensiya o basehan para masabi na itoy nangyayari talaga.

Pol Col Redrico Maranan Provincial Director – Pangasinan PNP

Sa kabila nito tiniyak ni Maranan na hindi sila nagpapakampante at siniguro na iimbestigahan lahat ng mga report na kanilang matatanggap hinggil rito.

Pol Col Redrico Maranan Provincial Director – Pangasinan PNP

Nabatid na nitong mga nagdaang araw ay viral sa social media ang isyu ng puting van na umanoy dumudukot sa mga kabataan partikular sa Metro Manila.

Sa mga sumunod na araw ay sunod sunod na rin ang mga post na umanoy pagkuha sa ilang bata sa ibat ibang panig ng bansa ng “puting van” kung saan kinukuha umano ang kanilang internal organs para ibenta.