Dagupan City- Pormal nang sinampahan ng tatlong kaso ang isang Nigerian national matapos nitong labagin ang ipinatutupad na smoking ban sa lungsod ng Dagupan at mag -amok matapos arestuhin.

Ayon kay pol. col. Abubakar Mangelen, chief of police dito sa lungsod ng Dagupan, kinilala ang nasabing dayuhan na si Emmanuel Ndukwe, 30 anyos, isang criminology student dito sa lungsod at nangungupahan sa Brgy. Herrero Perez.

Kasong paglabag sa Executive Order No. 26 o Nationwide smoking ban, Resistance to a Person in Authority at Malicious Mischief ang kasalukuyang kinakaharap ngayon ng Dayuhan.

--Ads--

Inireklamo ang dayuhan dahil sa lantaran na nilabag ang umiiral na patakaran sa lungsod patungkol sa pagbabawal ng paninigarilyo sa mga pampublikong lugar.

Unang sinita ang dayuhan nang mahuli ito ng isang clean marshal na kasalukuyang naninigarilyo habang naglalakad sa gilid ng daan sa MH Del Pilar St., Mayombo District, dahilan upang mag-init ang ulo ng lalaki.

Matapos itapon ang hawak nitong sigarilyo ay sinuntok at itinulak pa niya ang clean marshal na sumita dito. Dahilan, naman upang magkainitan ang dalawa.

Isang kawani ng POSO ang agad na rumesponde ngunit imbes na sumuko ay nag-amok pa ito matapos arestuhin ng mga kawani ng Public Order and Safety Office ng Dagupan na dahilan upang masira ang radyo ng taga-POSO at relo ng clean marshal.