Nasungkit sa ikaapat na pagkakataon ng LGU Asingan ang pagiging Seal of Good and Local Governance o SGLG Awardee ngayong taon.

Ayon kay Asingan Mayor Carlos Lopez, lubusang ikinatuwa ng kanilang bayan ang gantimpalang ito at ngayo’y nagsisilbi nila itong inspirasyon upang mas pag igihan pa ang kanilang mga serbisyo lalo pa’t mayroong mangilan-ngilan na lumabas sa criteria na hindi nila naabot at kailangan nilang mapunan sa susunod na evaluation sa taong 2020.

Bagamat sa umpisa pa lamang ay talagang inasahan na nilang muli nila itong makakamit maliban noong taong 2018 dahil sa naipalabas na suspension sa kanila, hindi pa rin sila tumigil sa pagpursige ng mga bagay at tamang pamamaraan upang ito’y kanilang maisakatuparan.

--Ads--

Sa ngayon, nananatili bilang isang malaking hamon sa kanilang bayan kung ano ang mga dapat nilang gawin upang mamintina ang award na ito lalo na kung papano maitatama ang bawat ‘red marks’ na kanilang nakuha partikular na ang dapat na pagkakaroon ng MRF sa bawat barangay, partisipasyon ng mga Brgy. Officials sa pagpapaunlad at pagkamit ng SGLG, pagpapalakas ng One Stop Shop Business para sa mas maunlad na hanap buhay ng kanilang mga residente, at higit sa lahat ang mas pinaigting na serbisyo sa taombayan.