Pinabulaanan ni Provincial Health officer Dr. Ana Marie de Guzman na may panibagong kaso ng meningococcemia sa bayan ng Santa Barbara.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan, nilinaw ni De Guzman na dati nang may na report na kaso sa barangay Maticmatic noong October 28, kung saan namatay ang pasyente.
Bukod dito ay wala na aniyang nahawaan nito dahil agad silang nagpamigay sa pamilya nito ng prophylaxis na gamot.
Nabatid na noong nakalipas na taon, dalawa lamang ang naitalang kaso ng meningococcemia sa lalawigan kung saan isa ang namatay sa naturang sakit.
Paliwanag ni de Guzman na ang sakit na meningococcemia ay isang malalang sakit na dulot ng impeksyon ng bacteria sa itaas na bahagi ng daluyan ng paghinga (upper respiratory tract) at sa daluyan ng dugo.
Ito ay nagdudulot ng sintomas tulad ng miningitis. Nagkakaroon ang tao ng mga pantal sa balat.
Ito ay nakakahawa sa pamamagitan ng pag ubo, pagbahing, palitan ng mga utensil at nakukuha rin sa paghalik.